Natapos sa ikalawang araw ng REV Major Lockdown ang dalawang anime fighting game tournaments, ang Melty Blood: Type Lumina at Guilty Gear Strive.

Ano nga ba ang anime fighting games?

GuiltyGearStrive May Zato-1
Credit: Arc System Works

Kilala bilang dalawa sa pinakasikat na anime fighting games sa kasalukuyan, ang Melty Blood: Type Lumina at Guilty Gear Strive ang mga pinakabagong installment ng kani-kanilang mga franchise.

Pero ano nga ba ang anime fighting games?

Ang mga anime fighting games ay mga 2D fighting games na may anime art style. May mga common gameplay elements din ang mga ito tulad ng air dashes, air blocking, air throw, at mahahabang combos.

NTR Vhaeraun nagdomina sa Melty Blood: Type Lumina

MeltyBloodTypeLumina Vhaeraun REVMajorLockdown
Credit: REV Major Lockdown

Walang duda, si Migz “Vhaeraun” Ulindang ng Team NTR ang tunay na kampeon ng Melty Blood: Type Lumina. Sa kanyang buong tournament run, ay walang tinamong talo, kahit na isang game si Vhaeraun.

Inararo nya ang brackets mula sa pools hanggang sa Top 8 at masasabing isa itong perfect tournament run.

Gamit ang kanyang Red Arcueid, itinumba ni Vhaeraun ang Saber ni Prawnman sa Grand Finals sa score na 3-0. Si Vhaeraun din ang nagpababa kay Prawnman papuntang losers bracket sa parehong score na 3-0 noong Winners Finals .

Ang pagbabalik ng hari na si PBE Noob

GuiltyGearStrive Noob REVMajorLockdown
Credit: REV Major Lockdown

Kung pamilyar ka sa local Guilty Gear scene, malamang ay kilala mo si Tuks “Noob” Casing ng PlayBook Esports.

Isa si Noob sa itinuturing na pinakamahuhusay na Guilty Gear player sa Pilipinas, na kinikilala rin sa ibang bansa. Kaliwa’t kanan ang ipinapanalong tournaments ni Noob sa mga nakaraang installments ng game.

Subalit noong 2019, pinasya nyang tumigil sa paglalaro dahil sa pagpanaw ng kanyang ama.

Matapos ang dalawang taon, muli nagbabalik si Noob nagbabalik upang kunin muli ang korona. At syempre pinakamagandang gawin ito sa pinakamalaking fighting game event sa bansa ngayong taon, ang REV Major Lockdown.

Tinalo ni Noob si Alden sa Grand Finals gamit ang kanyang main na Zato-1 sa score na 3-2 upang tanghaling kampeon ng Guilty Gear Strive. Ayon kay Noob, inakala nyang napag-iwanan na sya dahil sa hindi nya paglalaro. Ngunit matapos manalo ay pinatunayan nyang taglay nya pa rin ang talento at husay para bawiin ang trono at muling maging kampeon.

“I feel like I’m back from the dead and on my throne once again,” sabi ni Noob.

Mapapanood ang iba pang fighting game tournaments sa official Twitch channel ng Gariath Concepts at Facebook page ng REV Major Philippines.